LGUs na nagbabakuna ng non-residents pinuri ni Eleazar
MANILA, Philippines — Upang mas marami ang maprotektahan laban sa COVID 19, naniniwala si dating PNP chief at Senatorial candidate Guillermo Eleazar na dapat na ring magbigay ng bakuna ang iba pang local government units (LGUs) sa mga non-residents.
Ang pahayag ni Eleazar ay bunsod ng report na ilang mga lalawigan ang may kakulangan sa supply ng bakuna habang ang ibang LGUs ay sobra-sobra ang supply.
Kasabay nito, pinuri naman ni Eleazar ang mga LGUs na tumatanggap ng non-residents para mabigyan ng proteksiyon laban sa virus.
Marami aniya ang mga nais na magpabakuna subalit dahil sa kakulangan ng supply hindi na ito naisasagawa pa.
“Sa gitna ng pagpupursige ng pamahalaan na mabakunahan ang lahat ng mga Pilipino, maganda sana kung ’yung mga LGUs ay tatanggap na ng mga walk-in na gusto magpabakuna na galing sa karatig na lalawigan o munisipyo,” ani Eleazar.
Binigyan diin ni Eleazar na mahalagang mabakunahan ang nasa 54 milyong Filipino bago matapos ang taon.
“Dito papasok ’yung magandang coordination ng bawat LGUs, lalo na sa magkakalapit na lugar, na i-accommodate na nila ’yung mga taga-ibang bayan na gustong magpabakuna sa kanilang lugar,” giit pa ni Eleazar.
Dagdag pa ni Eleazar, sapat na ngayon ang suplay ng bakuna kaya’t umaapela siya sa iba pang LGUs na ibahagi ang bakuna sa iba.
Una nang sinabi ni Health Undersecretary Leopoldo Vega na posibleng itaas sa 100% ang immunity ng bansa laban sa COVID-19 bagama’t may bagong variant na Omicron.
- Latest