Higit 3K menor na may comorbidities, bakunado na kontra COVID-19
MANILA, Philippines — Nabakunahan na kontra COVID-19 ang mahigit 3,000 menor de edad na may problema sa kalusugan sa pagpapatuloy ng ‘pilot implementation’ sa vaccination drive ng pamahalaan.
Sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, na hanggang nitong Oktubre 19 ay umaabot na sa kabuuang 3,416 ang mga kabataang kabilang sa Pediatric A3 group o yaong 12-17 years old na may comorbidities ang kanilang naturukan ng unang dose ng bakuna matapos na simulan ang pilot run ng pediatric vaccination sa bansa noong Oktubre 15 sa walong ospital sa Metro Manila.
Sa darating na Oktubre 22, palalawakin pa ng pamahalaan ang pagbabakuna sa mga menor-de-edad sa 13 pang pagamutan sa National Capital Region.
Tanging COVID-19 vaccines lamang naman ng gawa ng Moderna at Pfizer ang inaasahang ituturok sa mga kabataan dahil ang mga ito pa lamang ay may emergency use authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA).
- Latest