Gilas babawi sa Boomers

MANILA, Philippines — Makaresbak ang tatangkain ng Gilas Pilipinas sa pagsagupa nito sa Australia sa third window ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers ngayong araw sa RAC Arena sa Perth, Australia.
Magkukrus ang landas ng Gilas Pilipinas at Boomers sa alas-6:30 ng gabi.
Galing ang Australia sa 124-52 panalo laban sa Guam para manatiling malinis ang rekord nito sa Group A tangan ang 5-0 baraha.
Sa kabilang banda, umani ang Gilas Pilipinas ng 106-102 double overtime loss sa kamay ng New Zealand.
Kaya naman sesentro na ang atensiyon ng Gilas sa Boomers.
Babanderahan ang Boomers ni Tyrese Proctor na kumana ng 22 puntos tampok ang anim na three-pointers kontra sa Guam.
Aasahan din ng Australia sina Angus Glover, Bryce Cotton at Jack McVeigh.
Umaasa si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na mabilis na makakabangon ang kanyang tropa mula sa kabiguan.
Kukuha ng lakas ang Gilas kay naturalized player Justin Brownlee kasama ang mga bagitong sina Juan Gomez De Liaño, Kevin Quiambao at Carl Tamayo.
Malaki ang ambag ng mga bagitong players sa laban ng Gilas kontra sa New Zealand.
“We’re really proud of those young guys for continuing to improve. They both play in Korea, KQ and Carl, so they get a lot of improvement there, and Juan is becoming one of the premier point guards in our league back in Manila, so they have great futures ahead of them,” ani Cone.
Target ng Gilas na magarbong tapusin ang group stage upang magkaroon ng magandang puwestuhan sa susunod na round ng qualifiers.
Kasalukuyang may 2-3 rekord ang Gilas.
“Our young guys have developed over the past year and a half, two years, and every time they come into a window, they have gotten better,” dagdag ni Cone.
- Latest























