Mag-ina sa ‘gift bomb’ kinasuhan sa DOJ

MANILA, Philippines - Isang negosyante ang nagsampa ng kasong murder at frustrated murder sa Department of Justice laban sa kanyang tiyahin at pinsan na sinasabing “mastermind” sa pamamaslang sa kanilang kamag-anak na babae sa Taguig City noong Dis­yembre 2010.

Ayon kay Manuel Padilla, ng Barangay Urdaneta sa Makati City, nagsampa siya ng kaso laban kina Arlene Padilla, ng South Forbes, at anak nitong si Arnold, ng Magallanes Village, kapwa sa Makati City, upang ma­bigyan ng katarungan ang pagkamatay ng kanyang pinsang si Yvonne Chua, anak at kapatid ng mga kinasuhan.

Alam ni Padilla na sa kanyang ginawa ay nalalagay ngayon sa pa­nganib ang kanyang buhay at buhay ng kanyang asawa at mga anak. Nais niyang may tumulong din sa kanyang makuha ang hustisya sakaling mangyari sa kanya ang sinapit ng pinsang si Yvonne na ang asawang si Vinzon Chua ay umalis patu­ngong Amerika kasama ang kanyang anak na si Chloe na nasugatan din sa pagsabog dahil sa natatanggap ding pagbabanta sa kanilang buhay.

Matatandaang sinampahan ng kasong murder at frustrated murder ang kasambahay ni Arnold na si Rhea Dalde-Obra kaugnay sa pagkamatay ni Yvonne noong Disyembre 29, 2010 matapos sumabog ang bomba sa loob ng kahon ng regalong dinala ng akusado sa bahay ng biktima.

Si Dalde-Obra ay positibong kinilala ng guwardiya ng bahay ng biktima na siyang nagdala ng kahon ng regalo. Sinabi ng saksing guwardiya na sinabi ng kasambahay na ang regalo ay para kay Yvonne na ipinadala ng kanyang ina.

Show comments