Alex Eala inspirado bago magsimula sa hard court season

MANILA, Philippines — Mataas ang moral ni Alex Eala bago ito sumabak sa mabibigat na torneong haharapin nito sa hard court season.
Ito ay dahil sa inspirasyong natanggap nito mula sa kanyang na homecoming sa Maynila.
“That’s a wrap on Manila,” ani Eala sa kanyang post sa social media.
Nagpasalamat ang 21-anyos Pinay netter sa mainit na suportang nakuha nito sa kanyang maikling pananatili sa Pilipinas.
“Maraming salamat sa pagtanggap sa akin mga kababayan! Each and every one of your stories has touched me on a profound level,” ani Eala.
Kaya naman bitbit ni Eala ang magagandang karanasan nito sa kanyang homecoming na magagamit nitong inspirasyon sa kanyang laban.
Muling iginiit ni Eala na proud itong katawanin ang Pilipinas sa mga international world-class tournaments.
“I leave with a refreshed memory of what I carry when I’m out there playing tennis. And wow is it a privilege to be part of something bigger than myself. Never been prouder to represent home,” ani Eala.
Pinakamalaking tagumpay nito sa kanyang tennis career ang pagpasok nito sa fourth round ng Wimbledon Championships kamakailan sa London, England.
Si Eala ang kauna-unahang Pinay netter na nakaabot sa fourth round ng naturang Grand Slam event. Ngunit hindi pa tapos ang laban.
Para kay Eala, nagsisimula pa lamang ito.
Kaya naman inaasahang muling ilalabas ng Pinay netter ang tapang at galing ng isang Pilipino upang muli nitong mabigyan ng karangalan ang bansa.
Nasa Amerika na si Eala para paghandaan ang sunud-sunod na torneong lalahukan nito.
Una na ang Mubadala Open sa Washington, D.C. kung saan sasabak ito sa singles at doubles kasama si tennis legend Venus Williams.
Masisilayan din si Eala sa National Bank Open sa Toronto, Canada at sa Cincinnati Open sa Ohio, USA bago sumalang sa US Open na papalo sa Agosto 30 hanggang Setyembre 13.
- Latest


















