Alas Girls sabik pumalo sa Chile world championships
MANILA, Philippines — Pagkasabik lumaro sa halip na pagod ang namamayani sa Alas Pilipinas Girls sa kanilang mahabang paglalakbay patungo sa world championship sa Chile.
Nanatiling masigla sina Xyz Ellen Rayco at Princess Khaira Manzano ng National University, Taj Arkhea Teves at Megan Yesha Hernandez ng University of Santo Tomas, Resty Jane Olaguir ng Ateneo at ng iba pang miyembro ng koponan pasakay sa ikatlong flight mula rito papuntang Santiago, Chile para sa FIVB Volleyball Girls’ U17 World Championship.
“Kahit sobra na ‘yung pagod, mayroong kakalabasan na maganda. Kahit pagod na pagod, sulit pa rin ‘yun kasi malaki naman po ‘yung makukuha naming blessings,” sabi ni Hernandez.
Nakatakda ang torneo sa Agosto 6 hanggang 16 sa Santiago, San Felipe at Los Andes sa Chile.
“Mahaba ‘yung byahe pero mas nabubuo ‘yung team, mas nakakapag-bonding po,” dagdag ni Hernandez.
Ang Alas Girls—sinusuportahan ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission at Asics—ay nasa Pool B kasama ang nangungunang China, Mexico, Peru, Tunisia at Venezuela.
Determinado si Olaguir, nakasama si Hernandez sa paggiya sa Alas Girls na tumapos sa fifth place sa Asian Women’s U16 Volleyball Championship para makakuha ng world championship berth, na makatulong sa koponan.
Umangat ang Alas Girls sa No. 25 sa world rankings matapos ang matagumpay na kampanya sa Amman noong Nobyembre tampok ang mga panalo sa Iran, Hong Kong at Japan.
- Latest


















