Prosecution panel ‘all systems go’ na sa impeachment trial ni VP Sara
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng prosecution panel ng Kamara na “all systems go” na sila sa pagsisimula ng paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte sa Senate impeachment court alas-2 ng hapon bukas, Hulyo 6.
Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, miyembro ng prosecution team, tapos na ang mahabang panahong paghihintay dahil sa wakas ay magsisimula na rin ang paglilitis na matagal nang inaabangan ng taumbayan.
“Tingin ko, all systems go na. Wala naman ako nakikitang dahilan para ito ay maantala o ma-delay pa,” ani Chua.
Sinabi ni Chua na tumalima ang prosecution panel sa lahat ng mga rekositos para lamang umusad at masimulan na ang paglilitis matapos naman una na itong mabasura noong nakaraang taon dahilan sa paglabag umano sa 1 year bar rule na isinaad ng Korte Suprema.
“The long wait is over. Sa Lunes ay inaasahan po nating magsisimula na ang trial na matagal nang inaantay ng ating mga kababayan,” saad ni Chua sa News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City .
Samantala, inaasahang magbibigay ng panimulang pahayag ang prosecution at defense kung saan magtatakda ng panuntunan ang Senate impeachment court at dedesisyunan ang apat na mga inihaing mosyon ng prosecution panel ng Kamara. Kabilang dito ay ang pagbubukas ng BIR box, paggamit ng lengguwaheng English at Pilipino, pagpapahintulot sa public at private prosecutors na isalang sa cross examination ang mga testigo.
- Latest















