Eala parang rockstar sa Wimbledon

MANILA, Philippines — Hindi maitatanggi na isa si Alex Eala sa mga inaabangan sa Wimbledon.
Sa katunayan ay itinuturing na nga si Eala na ‘rockstar’ mula sa hardcourt sa United States, clay court sa Europe o grass court sa All England Club ay dumadagsa ang mga fans para suportahan siya.
Iwinagayway ng kanyang mga kababayan ang Philippine flag, at manalo o matalo man si Eala ay dito siya kumukuha ng lakas.
Nakita ito sa Wimbledon kamakalawa nang talunin ni Eala, ang unang seeded Pinay player sa anumang Grand Slam main-draw, si Mexican Renata Zarazua, 6-1, 6-2, papasok sa second round ng grass court major.
“Hindi ko inakala na ganoon ka-puno ang Court 12 kasi alam ko talaga ang hirap makakuha ng ticket dito sa Wimbledon,” ani ng Pinay tennis sensation. “So I’m very thankful sa mga kapwa nating Pilipino.”
“I never would have thought that at Wimbledon I would have a home crowd. I really enjoyed it,” dagdag ng 21-anyos na netter.
Suportado si Eala ng kanyang mga kababayan mula sa mga torneo sa Miami, sa Madrid sa Melbourne at maging sa Wimbledon.
At kinailangan niya ang bawat sigaw, bawat palakpak at bawat hiyaw na “Laban, Alex!” para manalo kay Zarazua.
Nakatakda niyang labanan si Maya Joint ng Australia para sa inaasam na kauna-unahang Grand Slam third round berth.
Matapos ang kanyang singles match ay makikipagtambal si Eala kay Nikola Bartunkova ng Czechia sa isang doubles showdown kina No. 8 ranked Jelena Ostapenko ng Latvia at Sofia Kenin ng USA.
- Latest























