Thunderbelles sa finals ng Davao Invitational Tournament
MANILA, Philippines — Hinataw ng ZUS Coffee ang ikatlong sunod na panalo papasok sa finals ng Davao Invitational Tournament.
Pinadapa ng Thunderbelles ang NCAA champions College of St. Benilde Lady Blazers, 25-21, 25-16, 25-22, sa USEP Gym sa Bo. Obrero, Davao City.
Nauna nang dinalawahan ng ZUS Coffee ang De La Salle University bago isinunod ang St. Benilde.
Muling sinandigan ng Thunderbelles sina Jovelyn Gonzaga, Fiola Ceballos at rookie AC Miner.
Minalas ang ZUS Coffee sa kanilang nakaraang kampanya sa 2025 PVL on Tour at Invitational Conference na parehong pinagreynahan ng PLDT.
Umabot lang ang Thunderbelles sa quarterfinals ng PVL on Tour.
Ipinalit naman ang ZUS Coffee sa umatras na Kurashiki Ablaze sa Invitational Conference.
Pinaghahandaan ng High Speed Hitters at Thunderbelles kasama ang 10 pang koponan ang parating na PVL Reinforced Conference sa Oktubre.
Hangad ng PLDT sa pangunguna nina Fil-Canadian Savi Davison, PVL on Tour MVP Finals Mika Reyes, Invitational Conference MVP Kath Arado, Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Kim Fajardo at rookie Alleiah Malaluan ang kanilang ikatlong sunod na titulo.
Samantala, tinalo ng Farm Fresh Foxies si Angel Canino at ang Lady Spikers, 22-25, 25-14, 25-15, 25-12.
Ito ang unang panalo ng Foxies sa four-team pocket tournament.
Sinandigan ng Farm Fresh sina Fil-Am setter Alohi Robins-Hardy, Trisha Tubu, Jolina dela Cruz, Ces Molina, Lorene Toring at Rizza Cruz para talunin ang La Salle.
Nakatakdang labanan ng Foxies ang Lady Blazers.
- Latest























