Abot-kamay na ang pangarap ng Creamline

Ang reaksyon nina Bea De Leon at Alyssa Valdez matapos talunin ang Choco Mucho sa Game 1.
PVL

MANILA, Philippines — Abot-kamay na ng nagdedepensang Creamline ang korona, at hindi na nila pakakawalan ang pagkakataon.

Target ang pang-walong titulo, sasagupain ng Cool Smashers ang Choco Mucho Flying Titans sa Game Two ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference Finals ngayong alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.

Hangad naman ng Petro Gazz Angels ang bronze medal sa pagharap sa Chery Tiggo Crossovers sa alas-4 ng hapon.

Tinalo ng Creamline ang Choco Mucho sa Game One, 24-26, 25-20, 25-21, 25-16, tampok ang 20 points ni Jema Galanza habang may 17 at 11 mar­kers sina Tots Carlos at Bea De Leon, ayon sa pagkakasunod.

“Hindi pa tapos iyong laban,” ani Cool Smashers coach Sherwin Meneses sa best-of-three title series nila ng Flying Titans. “Kailangang maka-dalawa ka. Importante na nakuha namin iyong Game One, then tatrabahuhin namin iyong Game Two.”

Bukod kina Galanza, Carlos at De Leon ay sasandal din ang Creamline kina Alyssa Valdez, Michele Gumabao, Kyle Negrito, Bernadeth Pons at Pangs Panaga.

Muli namang itatapat ng Choco Mucho sina Sisi Rondina, Royse Tubino, Isa Molde, Maddie Mada­yag, Maika Ortiz at Deanna Wong.

Kung makakatabla ang Flying Titans sa Cool Smashers ay gagawin ang Game Three sa Martes sa Big Dome.

“Dapat pagdating sa huli, ituluy-tuloy namin iyong momentum namin para hindi makakuha ng momentum iyong Creamline,” pahayag ni Choco Mucho mentor Dante Alinsunurin.

Show comments