Bulldogs winalis ang PNVF Challenge Cup Pool B

Hinatawan ni rookie Jade Disquitado ng NU ang player ng Arellano sa aksyong ito sa PNVF Challenge Cup.
PNVF photo

MANILA, Philippines — Kinumpleto ng National University ang pagwalis sa Pool B matapos ang 25-17, 25-12, 25-16 panalo sa Arellano University sa Phi­lippine National Volleyball Federation (PNVF) Challenge Cup men’s division kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Manila.

Diretso ang three-time reigning UAAP champions na Bulldogs sa pagtatala ng 4-0 record sa Pool B papasok sa knockout quarterfinals.

Nauna nang tinalo ng NU ang Rizal Technological University-Basilan, 25-15, 25-17, 25-19, University of the East-Cherrylume, 25-22, 25-23, 25-20, at second-seed VNS Asereht, 25-23, 22-25, 25-21, 25-27, 15-6.

Makakasama ng Bulldogs sa quarterfinals ang Cignal (4-0) mula sa Pool A, PGJC Navy (4-0) sa Pool C at UAAP runner-up University of Santo Tomas (3-0) sa Pool D sa torneong suportado ni Philippine Sports Commission chairman Richard Bachmann kasama ang PLDT, Rebis­co, Akari, Foton at CBPI.

Umiskor ang PGJC Navy ng 26-24, 25-16, 22-25, 25-9 panalo sa Jose Rizal (2-1) na nanatili sa No. 2 para sa ikalawang quarterfinal seat sa Pool C.

Tinapos naman ng UE-Cherrylume (2-2) ang kampanya sa Pool B makaraang igupo ang RTU-Basilan (0-3), 25-18, 25-16, 25-19.

Samantala, pinadapa ng Kuya JM-Davao City ang University of Batangas (2-2), 25-20, 25-19, 25-17, para sa 2-2 marka sa Pool A habang binigo ng Sta. Rosa City (1-2 ) ang Tacloban City-EV (0-2), 25-23, 18-25, 25-20, 25-21, sa Pool D.

Show comments