Indiana Pacers nakaisa sa Bucks
INDIANAPOLIS — Isinalpak ni Tyrese Haliburton ang isang go-ahead three-point shot sa huling 1:29 minuto ng laro para sa 126-124 pagtakas ng Indiana Pacers kontra sa Milwaukee Bucks.
Tumapos si Haliburton na may 29 points at 10 assists, habang nagtala si Bennedict Mathurin ng 26 points at 11 rebounds para sa Pacers (6-3) na isinuko ang hawak na 18-point lead at bumangon mula sa 10-deficit sa fourth quarter.
Nagpakawala si Giannis Antetokounmpo ng NBA season-high 54 points, ngunit nakagawa ng dalawang krusyal na turnovers sa fourth period sa panig ng Bucks (5-3).
Nauna nang umiskor si Zach LaVine ng Chicago Bulls ng 51 points laban sa Detroit Pistons noong Oktubre 28.
Nagkaroon si Antetokounmpo ng pass error sa huling 1:03 minuto ng final canto at naagawan ni Mathurin ng bola sa natitirang 30 segundo kung saan lamang ang Indiana sa Milwaukee, 122-121.
May 21 markers si center Myles Turner para sa Pacers na nagtala ng 20-of-48 shooting sa 3-point range.
Naglaro naman ang Bucks na wala si Damian Lillard (calf soreness), ngunit nakakuha kay Khris Middleton ng 19 points.
Sa Mexico, humataw si Trae Young ng 41 points at pinasahan si Dejounte Murray fpara sa triple nito sa huling 31 segundo sa 120-119 pag-eskapo ng Atlanta Hawks (5-3) sa Orlando Magic (4-4).
Nag-ambag si Jalen Johnson ng 19 points, habang may 16 at 15 markers sina Murray at Bogdan Bogdanovic, ayon sa pagkakasunod, para sa Hawks.
Pinamunuan ni Jalen Suggs ang Magic sa kanyang 21 points at may 17 markers si Paolo Banchero.
- Latest