SEAG medalists matatanggap ang POC bonus ngayong linggo
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino na matatanggap ng mga 31st Southeast Asian Games medalists ang kanilang mga cash incentives ngayong linggo.
Ito ang inihayag ni Tolentino sa POC General Assembly sa Knights Templar Hotel sa Tagaytay City.
“All medalists will be given a cash bonus within the week—after the POC has computed and audited how much sponsorships we received from major corporations,” ani Tolentino.
Hindi binanggit ng POC chief kung magkano ang ibibigay nila sa mga atletang nag-uwi ng 52 gold, 70 silver at 105 bronze medals mula sa SEA Games na idinaos sa Hanoi, Vietnam.
Tumapos sa fourth place ang Team Philippines matapos angkinin ang overall crown nang pamahalaan ang biennial meet noong 2019.
Binawi naman ng POC ang suspensyon kay Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico at ang pagiging persona non grata nito.
Pormal ding tinanggap ng POC ang Samahang Kickboxing ng Pilipinas at ang Philippine Esports Organization bilang mga bagong regular members at kinilala ang Philippine National Rugby League o ang Pambansang Ragbi Liga ng Pilipinas.
Samantala, magtutungo ang mga SEA Games medalists sa Malacañang para sa kanilang courtesy call kay Pangulong Rodrigo Duterte ngayong alas-6 ng gabi.
- Latest