Marcial itinuturing na gold ang kanyang bronze medal
MANILA, Philippines — Dahil sa kanyang pinagdaanang hirap bago makapaglaro sa Olympic Games sa Tokyo, Japan ay ikinukunsidera ni Pinoy boxer Eumir Felix Marcial na gold medal ang kanyang napanalunang bronze kamakalawa.
Nabigo si Marcial kay Oleksandr Khyzhniak ng Ukraine via split decision, 2-3, sa kanilang semifinal match sa Tokyo Olympics men’s featherweight division noong Huwebes.
Dahil sa pagkatalo ay nakuntento ang tubong Zamboanga City sa bronze medal.
“Para sa akin po ay gold medal iyon dahil ‘yung sakripisyo ko na inalay ko doon na malayo ako sa pamilya, sa fiance ko. Lahat ng sakripisyo na inalay ko para mag-qualify sa Tokyo Olympics, kumbaga ‘yung halaga nu’n parang ginto na rin po,” ani Marcial kahapon sa panayam ng Unang Hirit.
Para makakuha ng Olympic berth sa Tokyo ay sinuntok ng 25-anyos na Pinoy fighter ang gold medal noong 2020 Asia and Oceania Olympic Boxing Qualifiers sa Amman, Jordan.
Si Marcial ang pang-walong Pinoy athletes na nanalo ng Olympic bronze matapos sina swimmer Teofilo Yldefonso, tracksters Simeon Toribio at Miguel White at boxers Jose Villanueva, Anthony Villanueva, Leopoldo Serantes at Roel Velasco.
- Latest