Suns itinakas ni Booker sa panalo vs Trail Blazers
PHOENIX — Ipinasok ni guard Devin Booker ang dalawang krusyal na freethrows sa huling 2.4 segundo para itakas ang Suns kontra sa Portland Trail Blazers, 118-117.
Ang panalo ng Suns (49-21) ang nagdikit sa kanila sa Utah Jazz (50-20) sa agawan para sa No. 1 spot sa Western Conference.
Nakahugot ng foul si Booker kay Norman Powell na nagresulta sa dalawa niyang free throws sa natitirang 2.4 segundo kasunod ang mintis na triple ni C.J. McCollum sa panig ng Trail Blazers (41-30).
Pinamunuan ni Chris Paul ang Phoenix sa kanyang 26 points at may 21 at 18 markers sina Mikal Bridges at Booker, ayon sa pagkakasunod.
Binanderahan ni Damian Lillard ang Portland sa kanyang game-high na 41 points kasunod ang 27 markers ni McCollum.
Sa Miami, pinigilan ng Heat (39-31) ang pagkopo ng Philadelphia 76ers (47-23) sa No. 1 spot sa Eastern Conference nang angkinin ang 106-96 panalo para sa pagkapit sa No. 5 berth sa playoffs.
Sa Indianapolis, kumolekta si Giannis Antetokounmpo ng 40 points, 15 rebounds at 6 assists sa 142-133 pagrapido ng Milwaukee Bucks (45-25) sa Indiana Pacers (33-37) para upuan ang No. 3 seat sa East.
Sa Charlotte, naglatag si Paul George ng 20 points at 10 rebounds sa 113-90 paggupo ng Los Angeles Clippers (47-23) sa Hornets (33-37) para sa No. 3 berth sa West.
Sa Minneapolis, nagsumite si Nikola Jokic ng 31 points sa 114-103 pagbugbog ng Denver Nuggets (46-24) sa Minnesota Timberwolves (22-48) para sa No. 4 spot sa West.
- Latest