Thirdy tumugon sa PBA
MANILA, Philippines — Sumulat na si Thirdy Ravena sa pamunuan ng PBA upang ipaliwanag ang desisyon nitong muling maglaro para sa San-En NeoPhoenix sa Japan B.League.
Sariwa pa si Ravena sa pagpirma ng multi-year contract kasama ang NeoPhoenix na magiging dahilan upang hindi ito makalahok sa PBA Rookie Draft sa ikalawang sunod na taon.
Kinumpirma ni PBA commissioner Willie Marcial ang naging aksyon ni Ravena.
Nagawa rin nitong makausap ang dating UAAP Finals MVP na nananatili sa Japan.
Sa kuwento ni Marcial, nais patunayan ni Ravena ang sarili nito sa liga matapos makailang ulit na magkaaberya ang kanyang paglalaro sa Japan B.League.
Tanging 18 laro lamang nasilayan si Ravena.
Kaya naman, nais ni Ravena na bumalik sa susunod na season na malakas at walang anumang aberya para patunayan ang kanyang husay.
Masaya naman si Marcial sa career ni Ravena dahil bitbit pa rin nito ang bandila ng Pilipinas sa paglalaro nito sa Japan.
Mananatiling bukas ang pintuan ng PBA sa oras na magdesisyon si Ravena na pumasok na sa liga.
- Latest