Mangrobang sasabak sa World Cup
MANILA, Philippines — Sasalang si two-time Southeast Asian Games gold medalist Kim Mangrobang sa prestihiyosong International Triathlon Union (ITU) World Cup na idaraos sa Setyembre 13 sa Czech Republic.
Mapapalaban si Mangrobang sa matitikas na triathletes sa mundo dahil lalahukan ito ng mahigit 50 bansa.
Layunin ng mga participants sa World Cup na makakuha ng puntos para mapalakas ang tsansang makapasok sa Olympic Games na idaraos sa Tokyo, Japan sa susunod na taon.
Kasalukuyang nasa puspusang paghahanda si Mangrobang sa Desmor, Portugal kung saan kasama nito sa training camp si veteran coach Sergio Santos.
Hindi tumigil sa ensayo si Mangrobang sa kabila ng coronavirus disease (COVID-19) pandemic.
Siniguro naman ni Mangrobang na ligtas ito sa Portugal.
“My coach told me that I can’t let a year pass without any race abroad because my competition experience might be gone. We initially had three races to choose from, but the other two were cancelled, and this is the only one left,” ani Mangrobang sa panayam ng Radyo Pilipinas.
Matagal-tagal ding nabakante si Mangrobang na nagkampeon sa women’s triathlon ng SEA Games noong 2017 edisyon sa Malaysia at 2019 edisyon sa Pilipinas.
Huli itong nasilayan sa aksyon noong Pebrero 23 nang pumang-anim ito sa 2020 Chennai NTT ASTC Triathlon Asian Cup sa India.
Kasalukuyang No. 18 ito sa continental ranking habang 137 naman sa ITU world ranking.
Nasa ika-192 puwesto ito sa individual Olympic Qualification Ranking para sa Tokyo Olympics.
- Latest