Ancajas-Rodriguez fight kanselado
MANILA, Philippines — Kanselado ang bakbakan nina reigning International Boxing Federation (IBF) super flyweight champion Jerwin Ancajas at Mexican fighter Jonathan Javier Rodriguez na nakatakda sana bukas (Manila time) sa Carson, California.
Base sa inilabas na statement ng Top Rank Promotions na siyang humahawak sa laban, nagkaroon ng problema sa visa si Rodriguez.
Hindi rin ito nakakuha ng medical clearance na isa sa mga requirements sa laban.
Maluwag namang tinanggap ni Ancajas ang mga kaganapan.
Naniniwala ito na may dahilan kung bakit hindi natuloy ang laban.
“Probably God has better plans for us, that’s why the fight did not push through again,” ani Ancajas.
Hindi man direktang aminin ngunit dismayado ang Team Ancajas dahil ilang buwan ding naghanda ang Pinoy champion para sa laban.
Sa katunayan, pasok na pasok na ang timbang nito para sana sa idaraos na weigh-in ngayong araw.
Naglalaro ang bigat ni Ancajas sa 114.8 pounds dahil na rin sa magandang pag-aalaga ni nutritionist Jeaneth Aro.
Subalit mawawalan ng saysay ang pinaghirapan ni Ancajas dahil sa kanselasyon ng laban.
Inihayag naman ni MP Promotions president Sean Gibbons na Disyembre 7 ang target nitong petsa para magbalik sa ring si Ancajas bagama’t wala pa itong tinukoy na boksingerong posibleng makalaban ng Pinoy champion.
- Latest