Unification fight nina Ancajas, Rungvisai itatakda ng Top Rank sa susunod taon
MANILA, Philippines — Malaki ang posibilidad na matuloy ang unification championship fight nina Filipino world super flyweight champion Jerwin “Pretty Boy” Ancajas at Thai superstar Srisaket Sor Rungvisai sa susunod na taon.
Sa panayam ng ESPN ay sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na ang naturang laban ng dalawang world champions ang kanyang unang gagawin sa 2019.
“We are really doing whatever we can to make that a reality and to do that fight sometime in the first three months of next year,” wika ni Arum.
Matagumpay na naidepensa ni Ancajas (30-1-2, 20 KOs) ang suot niyang International Boxing Federation crown mula sa isang split draw laban kay Mexican challenger Alejandro Santiago (16-2-5, 7 KOs) noong Setyembre 28 sa Oakland, California.
Umiskor naman si Rungvisai (46-4-1, 40 KOs) ng isang unanimous decision victory laban kay Mexican challenger Iran Diaz (14-3-3, 6 KOs) noong Oktubre 6 sa Bangkok, Thailand.
Ang nasabing laban ng Thai boxing star ay personal na napanood ni Ancajas sa special ringside bilang panauhin ng nag-organisang ONE Championship.
Sa kanyang obserbasyon ay naniniwala ang tubong Panabo City, Davao Del Norte na kayang-kaya niya si Rungvisai.
Kaya naman nasasabik na si Sean Gibbons, ang US agent ni Ancajas, na maplantsa ang naturang bakbakan para sa susunod na taon.
“I love the battle of champion versus champion. Boxing is about styles and this fight is perfect for Jerwin. Someone is getting knocked out,” sabi ni Gibbons.
Umaasa rin si Bank Thainchai Pisitwuttinan ng Nakornloung Promotion, ang kumakatawan kay Rungvisai, na maitatakda ang nasabing mega showdown ng Thai at Filipino world title-holders.
- Latest