Mojdeh, Evangelista bumasag ng record sa Tokyo meet
MANILA, Philippines — Nagparamdam agad ng puwersa ang Philippine Swimming League (PSL) nang humakot ng 17 medalya tampok ang pitong ginto sa 2018 Tokyo Invitational Swimming Championship kahapon sa St. Mary’s International School swimming pool sa Tokyo, Japan.
Bumandera sa kampanya ng Pilipinas sina Palarong Pambansa Most Bemedalled Athlete Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque at Aishel Cid Evangelista ng West Manila Christian School na parehong sumira ng dalawang rekord sa kanya-kanyang events.
Nagpasiklab si Mojdeh sa girls’ 11-12 200m Individual Medley (IM) sa kanyang bilis na dalawang minuto at 28.93 segundo para wasakin ang lumang rekord na 2:32.18 ni Michelle Peterson noong 2016.
Muling umarangkada si Mojdeh sa 100m breaststroke tangan ang 1:17.06 na malayo sa dating rekord na 1:19.15.
Hindi rin nagpahuli si Evangelista na nanguna sa boys’ 8-under 25m freestyle sa bilis na 15.79 segundo para burahin ang rekord na 16.16 segundo ni Pinoy Olympian Miguel Molina noong 1993.
Bumanat pa ng ginto si Evangelista sa 50m breaststroke sa bendisyon ng tiyempong 45.50.
Nagtala rin ng bagong marka si Francisco Cordero sa boys’ 11-12 100m breaststroke sa bilis na 1:11.54 na nagpalubog sa 1:11.91 na marka ni Teo Takahashi noong 2011.
Nagdagdag ng tig-isang ginto sina Richelle Ann Raine Callera (girls’ 8-under 25m freestyle, 16.39) at Phelicity Bose (girls’ 15-18 200m breaststroke, 2:59.45) sa kanya-kanyang paboritong events.
“It was a great start for our team, establishing new records against some of the world’s best young swimmers in this competition. We are happy with the outcome and we’re hoping to win more gold medals in the coming days,” wika ni PSL president Susan Papa.
- Latest