Tacloban hiniya ang Adamson
MANILA, Philippines — Namayani ang Tacloban sa Adamson University, 25-21, 25-12, 25-22 tungo sa kanilang ikalawang dikit na panalo sa Premier Volleyball League Season 2 Open Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagpasiklab si dating Arellano University standout Jovielyn Prado na nagsumite ng 18 puntos mula sa 15 attacks at tatlong blocks para buhatin ang Fighting Warays sa 2-1 baraha.
“Nung first game nag-aadjust pa kami dahil medyo matagal din yung pahinga namin after nung Reinforced Conference. Kaya nung second game namin, kailangan lang naming mag-bounce back at kailangan naming ituluy-tuloy yun,” ani Prado.
Sinubukang pumalag ng Lady Falcons sa third set nang kunin nito ang 21-19 abante mula sa off-the-block ni Chiara Permentilla at setting error ni Vira Guillema ng Fighting Warays.
Nakabawi agad ang Tacloban nang magtulong sina NCAA MVP Shola Alvarez, Heather Guino-o at Prado sa pagtarak ng magkakasunod na atake para maagaw ang momento at makuha ang panalo.
Umiskor si Guino-o ng kabuuang 13 puntos samantalang nagdagdag naman si Mary Anne Esguerra ng 10 hits para sa Fighting Warays.
Naglista si Permentilla ng 11 kills sa panig ng Adamson.
Nakatikim din ng buenamanong kabiguan ang Cool Smashers sa kamay naman ng Petro Gazz noong Sabado ng gabi.
Itinarak ng Gazz Angels ang 27-25, 17-25, 25-23, 19-25, 15-5 desisyon kontra sa Cool Smashers para umakyat ang kanilang tropa sa 2-2.
- Latest