F2 Logistics kakasa sa Petron sa PSL Finale
Laro sa Huwebes (FilOil, San Juan City)
4:15 p.m. Smart-Army vs Cignal HD (Bronze medal match)
7 p.m. Petron vs F2 Logistics (Finals: Game 1)
MANILA, Philippines — Winalis ng Petron Blaze Spikers ang Smart-Army Giga Hitters, 25-12, 25-15, 25-17 para angkinin ang unang finals berth kahapon sa pagpapatuloy ng 2018 Philippine Superliga Invitational Conference sa Muntinlupa City Sports Center.
Ipinakita ng Blaze Spikers ang sobrang lakas sa opensa at depensa kaya sa unang set pa lamang lumamang agad sila sa 12-5 na lomobo naman sa 19-8 bago ang sunud-sunod na hataw ni Mika Reyes para tapusin ang set, 25-12 sa loob ng 18 minuto lamang.
Sa unang set, nagpaulan na ang Blaze Spikers ng 14 atake habang lima lamang sa Gigi Hitters tungo sa malaking panalo sa kanilang knockout semifinals.
Tuluy-tuloy ang matikas na laro ng Petron sa ikalawang set at walang nakitang pangtapat si Smart coach Kungfu Reyes para pigilin ang pagragasa ng Petron.
Makaharap ng Petron Blaze sa Finals ang magwawagi sa knockout semis match ng F2 Logistics at ng nagdedepensang Cignal HD na kapwa naglalaro pa habang sinusulat ang istoryang ito.
“Masaya kami dahil siyempre Finals na kami. Mas lalo pa naming pagbubutihin ang laro namin sa Finals dahil gusto rin talaga naming mag-champion. Kaya bukas mage-ensayo agad kami at aayusin pa namin ang opensa at depensa namin,” ani Pons ng Petron.
Pinatumba naman ng F2 Logistics Cargo Movers ang Cignal HD Spikers, 25-22, 25-15, 25-19 sa ikalawang laro.
Sisimulan ng Petron at F2 Logistics ang kanilang championship series sa Huwebes.
Sa iba pang laro, nagwagi naman ang Generika-Ayala Lifesavers kontra sa Sta. Lucia Lady Realtors sa apat na sets, 25-10, 24-26, 25-10, 25-18 para tumapos sa pang-limang puwesto sa 10-team tourney.
- Latest