Eczacibasi sa semis ng WCWC
Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena, Pasay City)
4:30 p.m. – Bangkok Glass vs VakifBank Istanbul
7 p.m. – PSL-F2 vs Eczacibasi VitrA
MANILA, Philippines - Tuluyan nang umabante sa semifinals ang nagdedepensang Eczacibasi VitrA Istanbul matapos patumbahin ang Rexona-Sesc Rio, 25-27, 25-19, 22-25, 25-18, 15-11, sa FIVB Women’s Club World Championship na inihahandog ng PLDT kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Humataw si 2016 Rio Olympics silver medalist Tijana Boskovic ng Serbia ng 20 kills, 7 blocks at isang ace para tumapos na may match-high na 28 points para sa Turkish team.
“Today is the last day (of the eliminations) and I’m happy with the result,” sabi ni coach Massimo Barbolini.
Nagdagdag sina Russian Tatiana Kosheleva at American Jordan Larson-Burbach ng tig-15 markers para sa Eczacibasi, nakabangon mula sa malaking agwat sa fourth set para makapuwersa ng decider sa Rexona-Sesc Rio sa torneong inorganisa ng Philippine Superliga at Eventcourt katuwang ang TV5, Petron, Nature Spring, Asics, BMW at F2 Logistics bilang sponsors, Diamond Hotel (official residence) at Turkish Airlines (official airlines).
Sa pag-atake nina Boskovic at Kosheleva ay inagaw ng Eczacibasi ang 13-10 abante sa fifth set.
Samantala, kinuha ng Hisamitsu Springs Kobe ang 25-14, 25-18, 25-20 panalo laban sa Bangkok Glass sa Pool B sa torneong suportado ng Philippine Sports Commission, Rexona, Mall of Asia Arena, Foton at Price Waterhouse Cooper kasama ang Mikasa, Jinling at Gerflor.
- Latest

















