Rematch kay Manny muling itinanggi ni Floyd
MANILA, Philippines – Matapos magretiro noong Setyembre ay ilang beses na ring sinabi ni Floyd Mayweather Jr. na hindi na siya muling lalaban.
Maski pa bayaran pa siya ng malaking halaga para sa kanilang rematch ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Sa panayam ng BBC ay pinabulaanan ng 38-anyos na si Mayweather na handa siyang muling makipag-upakan sa 33-anyos na si Pacquiao na kanyang tinalo via unanmous decision noong Mayo 2.
Ayon kay Mayweather, walang katotohanan na kinakausap siya ni Pacquiao at nina promoter Bob Arum at adviser Michael Koncz para sa kanilang rematch ngayong taon.
“Everything that you guys are hearing that Michael Koncz has said and what Bob Arum has said is totally false,” wika ni Mayweather. “I haven’t spoken to Bob Arum, I haven’t spoken to Michael Koncz.”
Nagretiro si Mayweather noong Setyembre matapos dominahin si Andre Berto at pantayan ang all-time record na 49-0-0 win-loss-draw ring record ni heavyweight legend Rocky Marciano.
Sinabi ni Floyd na mas gusto niyang tutukan ang kanyang boxing promotion kesa muling lumaban sa ibabaw ng boxing ring.
Patuloy ang paglitaw ng pangalan ni Mayweather dahil sa pakikipagharap ni Pacquiao kay Timothy Bradley Jr. sa pangatlong pagkakataon sa Abril 9 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
- Latest