PLDT national team kumubra ng 3 ginto sa poomsae world tourney
MANILA, Philippines - Tatlong ginto, dalawang pilak at tatlong bronze medals ang hinakot ng PLDT Home Bro taekwondo poomsae national team sa katatapos na World Taekwondo Poomsae Championships na ginawa sa Aguacalientes, Mexico.
Tumapos ang Pilipinas sa ikalimang puwesto mula sa 50 bansang sumali para lalong paigtingin ang pagiging isang world power ng mga jins sa nasabing kompetisyon.
Si Jean Pierre Sabido ang nanalo sa freestyle individual male bago sinamahan sina Ernesto Guzman Jr. at Glenn Lava para pangunahan ang recognized poomsae sa 30-years old pataas.
Ang ikatlong ginto ay mula sa mixed team nina Rani Ann Ortega, Ma. Carla Janice Lagman, Lava, Jeordan Dominguez at Jaylord Seridon.
Si Guzman ay naghatid pa ng pilak sa under 40 habang sina Dominguez at Jocel Lyn Ninobla ay may pilak sa over-17 freestyle mixed pair event.
Sina Dustin Jacob Mella, Raphael Enrico Mella at Rodolfo Reyes Jr. (under 30); Rinna Babanto (individual female U-17) at ang freestyle poomsae individual female (U17) ang mga sumungkit ng bronze.
Nakasali ang koponan dahil sa suporta ng SMART Communications Inc., MVP Sports Foundation, PLDT, TV5, Meralco at Philippine Sports Commission.
- Latest