Lady Archers jins tinapos na ang pagkauhaw sa titulo

MANILA,Philippines - Winakasan ng La Salle ang sampung taong pagkauhaw sa titulo sa UAAP women’s taekwondo nang lusutan ang UP, 4-3, na pinaglabanan kahapon sa The Arena sa San Juan, City.

Kinailangan ng Lady Archers ng tibay ng loob ma­ta­pos maiwanan ng 1-3 ng Lady Maroons at si Ynah Langit ang siyang nagbigay ng ikaapat na panalo laban kay Bettina Someros, 11-4, sa middle-heavy.

“We really prepared hard for it. I’m grateful that the team won this year. It’s a collective effort from every­body,” wika ni coach Stephen Fernandez na ang tinukoy ay ang mga panalo nina Jyra Lizardo at Patricia Gonzales na nagtabla sa iskor sa 3-3.

Si Lizardo ay binokya si Marigold Taculog, 13-0, sa lightweight habang si Gonzales ay may 8-2 panalo kay Cyrmyn Perlas sa welterweight.

Ang 7-0 sweep ang nagbigay sa La Salle ng ka­nilang ikalimang women’s taekwondo title pero noong 2001-02 season pa nang huli nilang nahawakan ito.

Namayagpag naman ang UST sa demo event na poomsae nang manalo ang kanilang jins ng tatlo sa li­mang gintong pinaglabanan.

Sina Shaneen Sia at Marvin Gabriel ay nanalo sa individual events at nagsanib para sa mixed pair title.

Show comments