Gadi papalo sa Open finals vs Mendez

MANILA, Philippines - Tinalo ni Toby Gadi si Peter Gabriel Magnaye via straight sets para itakda ang kanilang finals match ni Ralph Ian Mendez para sa Open singles crown, habang ginulat naman ni Mark Alcala si No. 2 Carlos Cayanan patungo sa Under-19 finals ng MVP Sports Foundation-Philippine Badminton Ranking System (PBaRS) circuit sa Metro Sports Center sa Lahug, Cebu City kahapon.

Giniba ng top-seeded na si Gadi, gustong patagalin ang kanyang paghahari sa premier class ang third-ranked na si Magnaye, 21-3, 21-7, upang ayusin ang kanilang finals game ng No. 13 na si Mendez, binigo si Andrei Babad, 16-21, 21-7, 21-13, sa isa pang semis match.

Itinakda naman nina Golden Shuttle Foundation teammates Gelita Castilo at Bianca Carlos ang kanilang title showdown sa ladies Open singles nang sibakin sina Jen Cayetano, 21-14, 21-19, at Bianca Legaspi, 21-6, 21-11, ayon sa pagkakasunod.

Ngunit ang gumawa ng eksena ay ang 13-anyos na si Alcala, kumuha ng apat na U-15 titles noong nakaraang taon, makaraang igupo ang second-seeded na si Ca­yanan, 21-18, 21-12, papasok sa U-19 finals ng event na itinataguyod ng GOAL Pilipinas at inorganisa ng Philippine Badminton Association.

Makakatapat ni Alcala sa finals si third seed John Kenneth Monterubio na sumibak kay JC Clarito, 21-17, 21-17.

Kagaya ni Gadi, inaasahang makakamit ni Alcala ang kanyang pang limang korona sa U-15 class ng torneong suportado ng Gatorade, Krav Maga Phils., Sincere Construction and Development Corp., Vineza Industrial Sales, TV5 at Badminton Extreme Magazine.

Show comments