Pinoy Cuppers tagilid sa Pakistan

MANILA, Philippines - Ang pagsali ni Aisam Qureshi para sa Pakis­tan Davis Cup team ang magpapalalim sa lakas ng bisitang koponan sa gagawing Asia-Ocenia Zone Group II semifinals mula Biyernes hanggang Linggo sa Philippine Columbian Association (PCA) Indoor Courts sa Plaza Dilao, Paco.

Ito na ang ikaanim na pag­kakataon na magkikita ang Pilipinas at Pakistan at angat ang host team sa 4-1 iskor.

Noong 2007 at 2009 hu­ling nagkita ang dalawang koponan, nanalo ang Pilipinas na ginawa sa bansa pero wala sa ko­ponan si Qureshi.

Ang beterano ng 2007 at 2009 tie na sina Aqeel Khan at Yasir Khan ay ba­balik din habang ang pang-apat na miyembro ay si Muhammad Abid. Si Mohammed Khalid ang kanilang non-playing team captain.

Hindi naman na maga­gamit ng Pilipinas si Cecil Mamiit na siyang nagbida sa mga dating laban vs Pakistani dahil nagretiro na ito sa paglalaro sa Davis Cup.

Si Chris Cuarto ang tatayong non-playing team captain at sasandalan niya sina Fil-Ams Treat Huey at Ruben Gonzales bukod pa kina Johnny Arcilla at ang nagbabalik na si Francis Casey Alcantara.

Si Alcantara ang papa­lit sa puwestong iiwan ni Jeson Patrombon na may iniindang sprained ankle.          

Bukas ay isasagawa ang draw ceremony.

Show comments