Knicks ibinalik ni Chandler sa porma
NEW YORK - Humakot si Tyson Chandler ng 15 points at season-high 17 rebounds para tulungan ang New York Knicks sa 101-79 paggupo sa Detroit Pistons matapos makatikim ng kanilang unang pagkatalo sa ilalim ni coach Mike Woodson kamakailan.
Nagtala naman si Amare Stoudemire ng 17 points para sa Knicks bago umupo sa fourth quarter dahil sa pananakit ng kanyang likod.
“I saw him after the game and he said everything was cool,” sabi ni Carmelo Anthony kay Stoudemire.
Itinala ng Knicks, natalo sa Toronto Raptors, 79-96, noong Biyernes, ang 6-1 record sapul nang nagretiro si coach Mike D’Antoni.
Tumapos si Anthony na may 15 points, habang may 13 si Jeremy Lin, ipinahinga sa fourth quarter para sa kanyang sumasakit na kaliwang tuhod.
Pinangunahan naman ni Ben Gordon ang Pistons, nalasap ang kanilang pang limang sunod na kamalasan, sa kanyang 20 points.
Naitabla ng Pistons ang laro sa 31-31 mula sa dalawang freethrows ni Jonas Jerebko sa 5:28 left sa second period bago nalimita sa 6 points.
Isang 13-0 atake ang ginawa ng Knicks, kasama dito ang isang three-point shot ni Lin sa 2:33 nito para sa kanilang 44-31 abante patungo sa 49-37 pagbaon sa Pistons.
- Latest
- Trending