Twice-to-beat asam ng Baste; Letran lalapit naman sa semis

MANILA, Philippines - Lalapit pa ang Letran sa asam na puwesto sa 87th NCAA men’s basketball Final Four sa pagharap sa Ly­ceum sa pagpapatuloy ng aksyon ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Tinalo na ng Knights ang Pirates sa unang pagkikita, 92-89, at kung maduduplika nila ito sa larong itinakda ganap na alas-2 ng hapon ay uusad ang ka­nilang isang paa para sa puwesto sa semifinals.

Magku-krus naman uli ang landas ng mainit na San Sebastian at St. Be­nilde sa ikalawang laro dakong alas-4 at patatatagin pa ng Stags ang paghahabol sa twice-to-beat advantage sa puntiryang 13-0 karta.

“We have to win against Lyceum para iyong isang paa naming ay nasa Final Four na. But it’s not going to be easy dahil ga­ling kami sa hard game at hindi birong kalaban ang Pirates,” wika ni Knights coach Louia Alas.

Si Kevin Alas na guma­wa ng 20 puntos, 5 rebounds, 5 assists at 5 steals nang talunin ng Knights ang Mapua sa overtime, 69-67, ang magmamando uli ngunit handa naman ang ibang team mates niya na tumulong para mapadali ang inaasintang ikapitong sunod na panalo tungo sa ika-11 panalo.

Si Chris Cayabyab ang babandera naman sa Pirates na magnanais na wa­kasan ang dalawang di­kit na kabiguan dahilan upang malaglag sila sa pag­kakatabla sa ikalima at anim na puwesto kasalo ang Blazers sa 5-7 baraha.

Show comments