Patriots umiskor sa Slingers para sa 2-0 record sa ABL

MANILA, Philippines - Hindi ininda ng Philippine Patriots ang pag-upo ni import Anthony Johnson nang kunin ang 62-59 panalo sa Singapore Slingers sa AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) nitong Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Inako ni Junjun Cabatu ang huling limang puntos ng koponan upang makawala ang Patriots at mapantayan ang karta ng Thailand Slammers sa 2-0 matapos talunin ang Brunei Barracudas, 76-59, sa Thailand.

Isang drive ni Cabatu kay 6-foot-9 import Kyle Jeffers ang siyang nagbigay ng tatlong puntos na kalamangan sa Patriots, may 29 segundo sa laro.

Sumablay naman ang tangkang 3-point shot ni Han Bin Ng para sa Slingers.

"Fresh siyang pumasok sa laro at siya ang umako ng huling limang puntos na crucial sa labanan," ani coach Louie Alas kay Cabatu.

Si Johnson ay hindi naglaro dahil sa iniindang hamstring injury sa kanang paa.

May 14 puntos si Benedict Fernandez kasunod ang 11 ni Egay Billones.

Umiskor si Leo Avenido ng 15 puntos para sa Slingers kasunod ang12 at 10 puntos nina imports Marcus Skinner at Jeffers, ayon sa pagkakasunod.

Show comments