Lady Eagles, Pirates, kukumpletuhin ang semis cast ng Shakey's V-League

MANILA, Philippines - Dalawang koponan pa ang susubok na mapabilang na sa apat na ko­ponan na magbabanggaan para sa semifinals habang ang isa naman ay susubok pang makahirit ng play-off para sa ika-apat na puwesto ng ikalawang conference ng Shakey’s V-League Season 7 nga­yong araw sa The Arena sa San Juan.

Hangad ng Lyceum at Ateneo na maselyuhan na ang huling dalawang upuan para sa susunod na bahagi ng torneo sa kanilang pag­harap sa NU at FEU, ayon sa pagkakasunod.

Tatangkain naman ng FEU na makapuwersa pa ng isang knock out match para sa ikahuling pu­westo ng Final Four ng season-ending conference ng ligang iniisponsoran ng Shakey’s Pizza.

Kasalukuyang magka­tabla sa ikatlo at ika-apat na puwesto ang Lady Pirates at Lady Eagles sa kani­lang parehong 6-5 win-loss habang nasa ikalimang pu­westo naman ang Lady Tams na may 5-6 karta.

Kung sakaling magta­tagumpay, makukuha ng Lyceum ang ikatlong pu­westo at haharapin ang number two na Lady Falcons habang makikipagtipan ang Ateneo sa nangu­ngunang Lady Stags.

Ngunit kung mabibigo ang bataan ni coach Clint Malazo, makakahirit pa ng playoff para sa huling puwesto sa semis ang tropa ni coach Nes Pamilar.  

Show comments