153 atleta lamang ang sasabak sa Laos SEAG

MANILA, Philippines - Aabot na lang sa 153 ang bilang ng mga atletang sasabak sa Southeast Asian Games sa Laos sa Disyembre --na masasabing pinakamaliit na bilang ng delegasyon sa lalahok sa biennial sportsfest.

Matapos ang pagpupulong, nagkaisa ang Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee sa pinal na bilang ng atleta, siyam na linggo na lang ang nalalabi patungo sa regional meet sa pagitan ng 11 bansa sa Laos sa Disyembre 9.

“This should be the leanest and meanest RP team we’ve ever assembled,” wika ni PSC chair Harry Angping matapos makipagpulong kay POC second vice president at chief of mission Mario Tanchanco.

Ang Laos contingent ay 25 porsiyento lamang ng 627 athletic delegation na sumabak sa 2007 Thailand SEAG kung saan nagtapos ito ng nakakadismayang 6th overall na may 42 medalya.

Inaprobahan din ng PSC at POC ang 47 officials na sasama sa delegasyon.

Ipinaglaban ng PSC ang maliit na bilang ng delegasyon sa Laos meet na may nakatakdang 27 sports events lamang bunga ng kakulangan ng pasilidad o tsansa para sa host na makakuha ng medalya. “I’m glad the NSAs heeded our call for a smaller delegation this year. Everybody cooperated and that’s a very good sign. Now it’s time to hope for the best,” ani Angping.

Show comments