Pacquiao, tinapos na ang lahat para makapagsanay na

MANILA, Philippines - Ngayon, ibubuhos naman ni Manny Pacquiao ang kanyang konsentrasyon sa boxing.

Tinapos na niyang lahat ang kanyang mga commitment sa showbiz at ang kanyang nalalapit na laban kontra kay Miguel Angel Cotto sa November 14 naman ang kanyang paghahandaan.

Umalis na kahapon si Pacquiao patungong Ame-rika para sa limang araw na promotional tour na kanilang laban na tinagurian ‘Fire Power’ na sisimulan bukas sa New York City sa Yankee Stadium.

Pagkatapos nito ay didiretso ng Puerto Rico, tapos sa San Francisco, Los Angeles at matatapos ang press Tour sa San Diego.

Pagkatapos ng biyahe, babalik si Pacquiao dito sa bansa at sisimulan ang kanyang walong linggong training.

Limang linggong magti-training si Pacquiao sa Baguio bago ito tutulak ng Los Angeles para tapusin ang kanyang training sa Wild Card gym ng kanyang trainer na si Freddie Roach.

Sa wakas ay magkikita na rin si Pacquiao at ang trainer nitong si Roach at magkakaroon sila ng pagkakataong ayusin ang kanilang di pagkakaunawaan matapos lumabas ang mga issue ukol sa kanyang training nitong mga nagdaang linggo.

Inaasahang magkakaharap na rin sina Roach at ang nakaalitang advisor ni Pacquiao na si Michael Koncz na kasama ni Pacquiao sa biyahe pati ang lawyer nitong si Franklin Gacal at ang isa pang trainer na si Buboy Fernandez.

Nauna nang nagpunta si Fernandez sa Baguio City upang ihanda ang training camp ni Pacquiao. (Mae Balbuena)

Show comments