Villar Cup Isabela Leg sasargo na
Santiago City, Philippines – Babanderahan ni Efren ‘Bata’ Reyes ang mga pinakamahuhusay na pool artists sa bansa sa pakikipagharap sa mga upcoming stars sa panimula ng main draw ng Manny Villar Cup dito sa La Salette High School gymnasium.
Umaasam ang 55 anyos na si Reyes na maisubi ang kauna-unahang Villar Cup title makaraan ang anim na pagtatangka sa torneong ipiniprisinta ng Senator Manny Villar’s Villards: Tulong sa Pagsulong ng Philippine Sports.
Mismong si Senator Villar ang magdedeklara ng pagbubukas ng palaro at sasargo sa ceremonial break sa ikapitong yugto ng serye na ito na inorganisa ng Billiards Managers and Players Association of the Philippines na hatid ng Camella Communities at may basbas ng Billiards and Snooker Congress of the Philippines.
“Ako ay natutuwa dahil parami nang parami ang sumasali sa torneong ito, at ito ay patunay na tama ang ginagawa kong pagsuporta sa sport na sa aking paniniwala ay angkop na angkop sa ating mga Pilipino,” ani Villar, na kinokonsiderang ninong ng Philippine billiards.
Bukod kay Reyes, ang ilang markadong players na kasali para sa korona at hati sa kabuuang P800,000 premyo sina dating world no.1 Dennis Orcollo, two-time world champion Ronnie Alcano, at dating leg winners Warren Kiamco (Alabang), Gandy Valle (Cebu), Ramil Gallego (Bulacan), Roberto Gomez (Davao), Rodolfo Luat ( Bacolod ) at Francisco “Django” Bustamante.
- Latest
- Trending