Kawawang mga inspektor

Nakakaawa naman ang mga inspektor ng mga venues para sa Southeast Asian Games. Ang dalawang grupo, mula Malaysia at Singapore, ay parang trumpo na umiikot-ikot sa halos dalawang dosenang pagdarausan ng mga laro, mula Metro Manila hanggang Visayas. At siguradong nakatikim na sila ng kinatatakutang trapik ng Pilipinas.

Noong Martes pa lamang, ang isang grupo ay naatasang pumunta sa Cuneta Astrodome, Emilio Aguinaldo College, GSIS at dalawa pang ibang lugar sa umaga pa lang. Nakatakda silang dumating sa PhilSports ng ala-1:30 ng hapon.

Nakarating sila, halos alas kuwatro na. Tutuloy pa sila ng Pasig Sports Center at Marikina Sports Complex sa lagay na iyon.

Miyerkules, tutuloy sila sa Angeles City, at manananghalian sa Legenda Hotel sa Subic. Para nilang ginawa itong Quiapo.

Ngayon, sa Cebu ang tuloy nila, at apat na lugar ang dadalawin sa unang araw pa lamang. Kabilang sa mga pupuntahan ng isang grupo ng ating mga bisita: Mandaue Coliseum, Cebu City Coliseum, University of San Carlos, Waterfront, at iba pa. Nakakahilo, hindi ba?

Ngayon pa lang sila makakatikim ng kaunting pahinga. Kung sabagay, nakakapagod ang paikot-ikot sa mga iba-ibang lugar na ito. Patunay lamang ito na wala talagang ginawa ang mga nakaraang pamahalaan upang pagandahin ang ating mga sports complex. Kung inyong magugunita, ang Rizal Memorial Sports Complex ay itinayo noon pang pangulo si Manuel L. Quezon. Paisa-isa lamang kung kumpunihin ang mga iba-ibang gymnasiums at stadium sa ating bansa.

May ilang nagtaka na hindi naisama sa mga gagamiting lugar ang Narciso Ramos Complex sa Lingayen, Pangasinan. Ginamit ito sa pagbubukas ng Metropolitan Basketball Association noong 1998, at sa Palarong Pambansa. Marahil ang problema ay walang magagan-dang hotel sa lugar. Ang pinakamalapit na may disenteng hotel ay ang Dagupan, na halos kalahating oras ang ibibiyahe.

Maliban dito, marahil ay walang manonood, dahil kakaunti lang naman ang tao sa Lingayen. Karamihan ay mga magsasaka at mangingisda. Kung sa Baguio naman, maliliit ang mga gym, at malayo rin. Liban dito, bagamat may mga hotel na maayos, ang Teacher’s Camp (kung saan nagsasanay ang ilan sa mga atleta natin) ay walang mga gym na kayang lagyan ng maraming upuan para sa mga manonood.

Malalaman na ng publiko kung alin sa mga SEA Games venue ang handa na at hindi. At dito, makikisakay na naman ang ilang mga pulitiko, upang pukpukin ang PHILSOC, POC at PSC. Subalit, tandaan natin na maging ang pamahalaan ay nahirapan ding maglikom ng salaping gagamitin para hindi tayo mapahiya sa libu-libong darating na atleta, media, turista at iba pang mga interesadong makasaksi.

Ngayon tayo namulat sa katotohanang na napakahirap pala magtayo ng sariling SEA Games.

Ngayon pa lamang.

Show comments