PBA Gran Matador Fiesta Conference: Red Bull naman ang susubukan ni Wilson

Habang isa-isang nagpapalit ng import ang ibang koponan, patuloy namang nagiging komportable ang Shell kay import Wesley Wilson.

Bagamat nasa isang tabi lamang ang kanilang replacement import na si Jamal Watkins, patuloy sa pagbibigay ng impresibong performance si Wilson upang mapanatili ang kanyang posisyon.

Inaasahang muling babandera si Wilson para sa Turbochargers na may pagkakataong masolo ngayon ang pangkalahatang pamumuno sa PBA Gran Matador Fiesta Conference.

Kasalukuyang kasama sa three-way-tie ang Shell sa liderato at hangad nilang maisukbit ang ikatlong sunod na panalo upang makakalas sa mga walang laro ngayong Purefoods at San Miguel na katabla nila sa 4-2 record.

Kumbinsido na si coach Leo Austria sa kakayahan ni Wilson at ang kailangan na lamang niya ay gantihan ng mga locals ang magandang ipinapakita ni Wilson sa pamamagitan ng pagbibigay ng suportang kinakailangan nito.

Inaasahang aalalay kay Wilson sina Rich Alvarez, Tony dela Cruz, Ronald Tubid at iba pa upang higit na maging epektibo ang kanilang import.

Makakatapat ni Wilson si Dalron Johnson ng Red Bull na hangad na makapagtala ng back-to-back na panalo upang maiangat ang 3-2 karta.

Katabla ng Barakos ang Barangay Ginebra na sasagupa naman sa kulelat na Sta. Lucia Realty (1-5) sa ikalawang laro sa alas-7:35 ng gabi.

Sa likod ng pagkuha ng Realtors kay Kevin Freeman na pumalit kay Rahiem Brown, patuloy na dumausdos ang Sta. Lucia na nais makakawala sa four-game losing streak.

Muling sasandal ang Gin Kings kay import Eddie Elisma na susu-portahan nina Eric Menk, Mark Caguioa, Romel Adducul, Rodney Santos at iba pa para sa puntiryang panalo. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments