^

Lahat pinagbabayaran

GAME NA! - GAME NA! Ni Bill Velasco () - March 23, 2003 - 12:00am
Masakit man aminin, lahat ay pinagbabayaran natin. Sa anumang aspeto ng buhay, lahat ay may kapalit, lahat ay may presyo, lahat ay may halaga. Iyan ang pumapantay sa ating lahat.

Inoperahan sa tuhod si BJ Manalo noong Sabado ng nakaraang linggo. ACL daw (anterior cruciate ligament). Di kukulangin ng anim na buwang mawawala sa basketbol si BJ, ngayon pang huling taon na niya sa De La Salle, at inaasahan siyang mamuno sa kanilang pagbabalik sa kampeonato.

Ilang beses na rin pinagbayaran ni BJ ang kanyang pagnanais na maging professional basketball player. Nang nilisan niya ang Ateneo de Manila para sa DLSU, marami ang pumuna, maraming masasama at masasakit ang sinabi sa kanya. Pero pinanindigan niya ang kanyang paniniwala.

Pero ganyan talaga ang buhay. Halimbawa na lamang ang digmaan ngayon ng US at Iraq. Alam nating malaki at malalim ang buwelta niyan sa ekonomiya ng mundo, at maging sa pananampalataya ng napakaraming tao. Subalit iyan ang halagang binabayaran para sa matinding paniniwala.

Noong nakaraang Linggo, tumapak muli ako sa basketbol court para maglaro sa Ateneo Basketball League, torneo ng mga alumni ng Ateneo. Isinuko ko ang karera sa basketbol upang hanapin ang aking ama, at tanging ang paglalaro na lamang ang kaligayahan ko dahil hindi ko na maibabalik ang nawalang pagkakataong iyon.

Sa isang play, tinamaan ng bola ang kaliwang hinliliit ko. Bagamat wala akong naramdaman, bigla siyang namaluktot. Hindi na bumalik sa dati.

Permanente na siyang nakakurba. Ang pangit tignan.

Napaisip ako: ito ba ang gusto kong mangyari sa katawan ko, lalo na ngayong medyo tumatanda na tayo? Sa kabilang dako, iyan siguro ang maaaring mangyari dahil alam naman nating matindi rin ang banggaan sa basketbol.

Sa halip, lalong uminit ang pagnasasa kong maglaro, at gumaling dito. Sa katunayan, nangangarap din akong pumasok sa PBA Draft pagpatak ko ng 40, sa 2005. May ilang nagsabi sa aking kalokohan iyon, pero bakit naman? Kung handa akong pagbayaran ito, bakit hindi subukan? Pinalampas ko ang pagkakataon noon. Ngayon, habang may kaunting panahon pang natitira, bakit ko pa sasayangin?

Mahirap bumalik, pero mas mahirap sagutin ang mga "sana" sa buhay. Gusto kong makatulog ng mahimbing na baon-baon ang kaalamang nasagot ko ang tanong kung kaya kong abutin o hindi.

May isang magandang kasabihan si Theodore Roosevelt, na naging pangulo ng Amerika, "May our place never be among those cold and timid souls who know neither victory nor defeat."

Magandang patakaran sa buhay, hindi ba?
* * *
Maaari kayong makipag-ugnayan sa akin sa bill_velasco-@hotmail.com.

Kapayapaan sa inyong lahat.

ALAM AMERIKA ATENEO ATENEO BASKETBALL LEAGUE BAGAMAT DE LA SALLE HALIMBAWA PERO THEODORE ROOSEVELT
  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with