Coachless Ana Freezers di nagpatalo sa Hapee team

Sa likod ng kulang na line-up at pagkawala ng lehitimong coach, nagta-gumpay ang Ana Freezers sa kanilang unang asignatura sa 2nd PBL Chairman’s Cup matapos igupo ang Hapee Toothpaste, 80-64 sa Makati Coliseum kahapon.

Pinangunahan ni assistant playing coach Rey Mendez ang pangangasiwa ng koponan katulong sina team owner Rudy Mendoza at kapwa assistant coach na si Paul Angulunan upang parisan ng Freezer Kings ang 1-0 record na itinala ng Shark Energy Drink sa opening day.

Sinabi ni Mendez na posibleng kuning coach si Bogs Adornado bilang mentor ng koponan at para dagdagan ang height ng Ana, sinisikap ng management na makuha ang 6’6 na si Ruel Buenaventura na nasa reserve list ng Batang Red Bull sa PBA.

Pinangunahan nina Ronald Tubid at Ariel Capus ang Freezer Kings sa paghakot ng 18 at 15 puntos, ayon sa pagkakasunod habang sumuporta naman si Ronald Pascual na nagtala ng 11.

Show comments