VP Sara, isinama sina Trillanes at Madriaga bilang mga testigo sa impeachment trial
MANILA, Philippines — Sa nalalapit na impeachment trial ay isinama ni Vice President Sara Duterte sa kanyang listahan ng mga testigo ang mga kanyang mga kritiko tulad ni dating Senador Antonio Trillanes IV at Ramil Madriaga.
Batay sa pre-trial brief ng depensa na isinumite sa impeachment court noong Hunyo 15, layunin umano ng pagtawag sa mga testigo na patunayang walang basehan ang mga paratang sa Articles of Impeachment laban sa Bise Presidente.
Bukod kina Trillanes at Madriaga, kabilang din sa listahan ng mga posibleng testigo ang ilang opisyal mula sa Office of the Ombudsman, Office of the President, National Bureau of Investigation, Commission on Audit, Department of Budget and Management, Anti-Money Laundering Council, Philippine Statistics Authority, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Mayroon din mga forensic experts, accountants, notaries public at maging mga investigative journalist na maaaring ipatawag bilang bahagi ng depensa.
Kasama rin sa mga paratang ang umano’y mga banta laban sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno.
Sa mga naunang pagdinig sa Kamara, lumutang din ang mga testimonya at ulat ng Commission on Audit, NBI, at Anti-Money Laundering Council na may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa paggamit ng pondo.
- Latest















