Koneksyon ng PLDT putol sa Nxled

MANILA, Philippines — Kaagad nagparamdam ng lakas ang Nxled matapos dominahin ang PLDT, 25-16, 25-20, 25-18, sa 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Bumanat ang nagbabalik na si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 11 points para banderahan ang Chameleons kasunod ang tig-siyam na marka nina Myla Pablo at Jackie Acuña, habang may 12 excellent sets si setter Gel Cayuna.
Hindi sumalang ang three-time conference MVP na si Van Sickle sa nakaraang PVL On Tour at PVL Invitational Conference dahil sa minor shoulder injury.
“The process was bitter sweet They supported me every step of the way, so it’s easy that way,” wika ni Van Sickle.
Pinamunuan ni Savi Davison ang High Speed Hitters sa kanyang 10 points.
Matapos kunin ang 2-0 abante sa laban ay inilista ng Nxled ang 8-3 bentahe sa third set sa likod nina Jonah Sabete-Escamillan at Acuña.
Sinubukan pa ng PLDT na dumikit bago tuluyang kumulapso sa dulo.
Sa unang laro, humataw si Mylene Paat-Rezanova ng 14 points mula sa 11 attacks at tatlong blocks para tulungan ang Farm Fresh sa 25-23, 25-22, 25-15 pagwalis sa Galeries Tower.
Nag-ambag sina Ces Molina at Trisha Tubu ng tig-siyam na marka at may limang puntos si Jonna Perdido para sa 1-0 record ng Foxies kagaya ng baraha ng mga opening day winners Creamline Cool Smashers at Choco Mucho Flying Titans.
Pinamunuan ni Erika Deloria ang Highrisers sa kanyang 10 points kasunod ang tig-apat na marka nina Aiza Pontillas, Gayle Pascual at Lycha Ebon.
Nagsumite si Romero ng 12 excellent sets, samantalang may 11 excellent receptions si libero Maicah Larroza para sa Farm Fresh.
- Latest

















