Kakaibang Eba (148)
KINILABUTAN sina Mama Nitz at Inay Encar nang malaman ang nangyari kay Mariz na muntik na itong matuklaw ng kobra sa bukid.
Labis ang pasasalamat ni Inay Encar kay Piolo sa ginawa nitong pagliligtas kay Mariz.
“Salamat sa iyo Piolo. Alam mo noong nabubuhay pa ang itay ni Mariz, may nakita na rin siyang kobra sa bukid at muntik na rin siyang makagat. Noon pa ay talagang may kobra na sa lugar na iyon.’’
“Pero may advantage po ang pagkakaroon ng ahas sa bukid, Inay Encar. Ang mga ahas po ang kumakain sa mga daga na sumisira sa palay.’’
‘‘A ganun ba? Kaya pala walang nakikitang daga ang namatay kong asawa sa aming palayan. Kahit kailan, walang naninirang daga. At masagana ang aming ani.’’
“Kinain na po ng mga kobra ang mga daga. Yun po ang dahilan, Inay Encar.’’
“Mukhang marami ka nang nalalaman sa pagbubukid, Piolo.’’
‘‘Konti lang po, Inay Encar.’’
Sumabad si Mariz.
‘‘Gusto na po kasi ni Piolo na maging magsasaka kaysa maging office employee, Inay. Katunayan po, gusto na niyang dito tumira.’’
“Talaga? Totoo ba Piolo?’’
“Opo Inay Encar.’’
‘‘Aba e di mas maganda para sama-sama tayo. E itong mama mo e gusto na rin dito. Nagsasawa na raw siya sa Maynila. Natuturete na raw siya sa ingay ng mga sasakyan, motor at mga nagkakantahan o nagbi-videoke sa kalye.’’
Binalingan ni Piolo ang kanyang mama at tinanong.
“Totoo ba ‘Ma? Gusto mo na rin dito?’’
“Oo. Tutal naman at maari kong iwan ang bahay natin sa mag-asawang Berto e dito na lang ako. Gusto ko, magkasama kami ni Encar. Isa pa masarap at sariwa ang pagkain dito. Pati gulay at prutas sariwa rin.’’
‘‘Kung ganun, dito na tayo,’’ sabi ni Piolo.
Tuwang-tuwa si Inay Encar. Halos maiyak.
Pati si Mama Nitz ay masayang-masaya.
KINABUKASAN, tuwang-tuwa sina Mariz at Piolo nang makita ang kanilang mga ina na masaya. Maligaya ang mga ito. Wala nang mahihiling pa.
(Tatapusin)
- Latest