Ang apoy sa Paris at direktang koneksyon sa Pinas
Naging saksi ang mundo sa malawakang kaguluhan, rioting, at looting na nag-ugat sa protesta ng mga estudyante at manggagawa laban sa nagtataasang presyo ng bilihin, gastos sa pamumuhay, at bagsak na kalidad ng serbisyo sa mga paaralan sa Paris, France.
Para sa isang karaniwang Pilipino na libu-libong milya ang layo, madaling isipin na ang gulo sa Europa ay isang kuwento lang sa telebisyon.
Pero sa ilalim ng globalisasyon at ng ating kasaysayan, ang apoy sa Paris ay may direktang anino at koneksyon sa Pilipinas sa dalawang pangunahing aspeto.
Una ang kaligtasan ng mga OFW at ang salamin ng magkaparehong hirap ng ordinaryong mamamayan.
Hindi na mahihiwalay ang Pilipinas sa anumang krisis sa mundo dahil sa milyun-milyong Overseas Filipino Workers.
Bagaman,nag-ulat ang Philippine Embassy sa Paris na walang Pilipinong nasaktan o naaresto sa mga karahasan, ang banta sa kanilang kabuhayan at sikolohikal na kaligtasan ay totoo.
Kung mapaparalisa ang transportasyon at mga negosyo sa Paris, apektado ang kita ng mga OFW,na nangangahulugan din ng bawas sa mga remittance na inaasahan ng kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas.
Kung hihimayin ang dahilan ng galit ng mga Pranses,makikita ang isang pamilyar na naratibo na nararanasan din sa Pilipinas.
Ang mataas na inflation o ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ang sigaw ng mga nagpoprotesta sa Paris para sa mas mababang cost of living at mas maayos na pasilidad sa edukasyon ay kaparehong kapareho ng mga hinaing ng mga ordinaryong Pilipino na nagpapakita na ang krisis sa ekonomiya ay walang pinipiling bansa—mayaman man o mahirap.
Ang pagkakaiba lamang ay ang paraan ng pagpapahayag ng sentimyento; habang ang mga Pranses ay may mahabang tradisyon ng marahas na rebolusyon at radikal na protesta sa lansangan, ang mga Pilipino naman ay kilala sa pagtitiis o kaya’y dinaraan na lang sa social media ang mga hinaing.
Ang nagaganap sa Paris ay nagsisilbing babala sa mga pinuno ng iba’t ibang bansa, kabilang ang Pilipinas.
Kapag ang gobyerno ay nabigong tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan tulad ng abot-kayang pagkain, kuryente, langis, at maayos na pampublikong edukasyon—ang pasensya ng publiko ay may hangganan.
Ang kaguluhan sa Paris ay paalala na ang stabilisasyon ng ekonomiya at ang pagpapanatili ng mababang presyo ng bilihin ay hindi lamang usaping pinansyal.
Nawa’y maging aral din ito sa ating sariling bansa na ang tunay na kapayapaan ay nagmumula sa tiyan ng busog at kuntentong mamamayan.
- Latest


















