Sama-samang paghahanda sa El Niño
Nagbabanta ang Super El Niño sa Pilipinas, kaya mahalagang paigtingin ang paghahanda upang mabawasan ang epekto nito sa suplay ng tubig, kuryente at iba pang resources.
Ayon sa PAGASA, hanggang 85 lalawigan ang maaaring makaranas ng tagtuyot at kakulangan sa ulan hanggang unang bahagi ng 2027. Ibinaba na rin ang alokasyon ng tubig para sa Metro Manila mula 50-52 patungong 44 cubic meters per second.
Sa ganitong sitwasyon, mahalaga ang papel ng pribadong sektor, kabilang ang mga kumpanyang pinamumunuan ni Manuel V. Pangilinan o MVP.
Sa Maynilad, kabilang sa paghahanda ang pagpapalawak ng mga alternatibong mapagkukunan ng tubig, pagpapaigting ng pagkukumpuni ng mga tagas at pagpapahusay ng mga pasilidad. Sa katunayan, napababa na sa 31.5% ang Non-Revenue Water level nito at nakabawi ang kumpanya ng 256 milyong litro ng tubig kada araw noong 2025 sa pamamagitan ng pagbabawas ng water losses.
Mahalaga rin ang papel ng Metro Pacific Water sa pagpapahusay ng mga lokal na sistema ng tubig, kabilang ang rehabilitasyon ng mga pasilidad sa Bulacan.
Sa sektor ng enerhiya, patuloy na isinusulong ng Meralco ang energy efficiency, lalo na ngayong inaasahang tataas ang demand dulot ng mas madalas na paggamit ng cooling appliances dahil sa matinding init. Patuloy din ang koordinasyon ng kumpanya sa high-load customers nitong kabilang sa Interruptible Load Program - isa sa mga programang makakatulong sa pagbaba ng demand sa grid kung kinakailangan.
Para sa akin, ipinapakita nito ang kahalagahan ng pangmatagalang paghahanda lalo sa utility companies na nagbibigay ng pangunahing serbisyo. Gayunman, hindi lamang mga kumpanya ang may responsibilidad. Kailangan din ang disiplina ng bawat mamamayan sa paggamit ng tubig, kuryente at iba pang likas na yaman.
Sa halos apat na dekada kong karanasan sa industriya ng kuryente, natutuhan kong mas mabuting maghanda kaysa maghintay ng krisis. Sa pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong mga kumpanya tulad ng MVP Group at publiko, mas malalabanan natin ang hamon ng Super El Niño.
- Latest















