VP Sara: Abswelto o conviction?
Nailatag ng prosecution ang mabibigat na alegasyon laban kay Vice President Sara Duterte. Hindi na lamang ito bangayang pampulitika. May dokumento, transaksyon at financial records na kailangang suriin. Nasa defense team ang pagkakataong ipakitang hindi sapat ang mga ito para sa conviction.
P817.87 milyon! Ito ang umano’y hindi naideklarang yaman at kita na iniuugnay sa mag-asawang Sara Duterte at Mans Carpio. May pagtataya pang umaabot sa P1.5 bilyon. Para sa Pilipinong pinagkakasya ang sahod, nakalulula ang halaga. Saan nanggaling ang pera?
Bahagi ng pampublikong imahe ng mga Duterte ang simpleng pamumuhay. Kaya kapag kalaking kayamanan ang iniuugnay sa pamilya, hindi maiiwasan ang pagtatanong. Walang masama sa pagiging mayaman. Ngunit sino ang tunay na may-ari? Saan nagmula ang pera? Tama bang naideklara?
Bank records, tax documents, corporate filings at financial analysis ang binabanggit ng prosecution. Hindi ito mga numerong dapat balewalain. Ngunit kailangang mapatunayan kung paano nauugnay ang bawat rekord sa sinasabing paglabag sa batas at Konstitusyon. Diyan masusukat ang tibay ng kaso.
Ngayon, nasa defense team ang mabigat na hamon. Kung mali ang kalkulasyon, ituro kung saan. Kung lehitimo ang transaksyon, ilabas ang katibayan. Kung walang nilabag, ipaliwanag ang mga pagkakaiba sa deklarasyon. Hindi kayang palitan ng pagtanggi ang malinaw na paliwanag.
Hindi lamang mga senator-judge ang naghihintay ng sagot. Nanonood ang sambayanan, kabilang ang mga tagasuporta ng Duterte. Ang paliwanag ng depensa ay maaaring makaapekto sa kanilang tiwala. Hindi boto ng publiko ang magpapasya sa kaso, ngunit hindi nawawala ang kanilang karapatang magsuri.
Tandaan: prosecution ang may obligasyong patunayan ang akusasyon. Hindi awtomatikong ilegal ang malaking kayamanan. May karapatan si VP Sara sa patas na paglilitis, at kailangang timbangin ng Senado ang ebidensya at depensa. Hindi maaaring maging kapalit ng patunay ang pampublikong pagdududa.
Sa Senado pagpapasyahan ang abswelto o conviction. Ngunit may tanong na hindi kayang tapusin ng botohan: maniniwala ba ang publiko sa paliwanag ng mag-asawa? Maaaring matapos ang impeachment sa isang hatol, ngunit ang tiwala ay hindi basta naibabalik ng desisyon. Iyan ang pagsubok sa kredibilidad ng mga Duterte.
- Latest















