^

PSN Opinyon

Mga nurse sa Pilipinas dumarami, kumokonti

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Isang halimbawa nang patuloy na pag-alis ng mga Pilipinong nurse para magtrabaho sa ibang bansa ang 868 Filipino nurses na lumahok sa mga serye ng virtual Special Pre-Departure Orientation Seminar (SPDOS) ng Migrant Workers Office ng Philippine Embassy sa Washington, D.C. ngayong 2026.

Ang huling seminar ay isinagawa noong Set-yembre 15 at dinaluhan ng 187 Filipino nurses na nakatakdang magtrabaho sa United States. Sa naunang mga sesyon, 418 nurse ang lumahok noong Marso 17 at 263 noong Hunyo 27.

Sinabi rin ng Embahada na ang mga dumalo ay may completed and signed employment contracts para sa kanilang trabaho sa Amerika. Ang bilang na ito ay isa lamang halimbawa ng katotohanang libo-libong Filipino nurse ang nangingibang-bansa taon-taon. At ang 868 ay para lamang sa mga nurse na papuntang Amerika. Hindi pa kasama rito ang mga nurse na patungo sa United Kingdom, Canada, mga bansa sa Europe, Middle East, Japan, Hong Kong at iba pang bahagi ng mundo.

Hindi rin kasama sa bilang na iyon ang mga Pilipinong nurse na matagal nang nasa ibang bansa at kasalukuyang nagtatrabaho roon. Patuloy silang nadaragdagan ng mga bagong umaalis mula sa Pilipinas.

Libo-libong estudyante ang nagtatapos sa mga nursing school at maraming bagong nurse ang pumapasa sa licensure examination taon-taon. Ngunit habang nadaragdagan ang kanilang bilang, marami naman sa kanila ang umaalis ng Pilipinas.

Natural lamang na maghanap ng mas magandang buhay ang isang bagong graduate. Ganoon din ang isang nurse na ilang taon nang nagtatrabaho sa ospital ngunit nakikitang mas malaki ang maaaring kikitain sa ibang bansa.

Hindi rin naman mahirap unawain kung bakit nagiging kaakit-akit ang ibang bansa sa mga Pilipinong nurse. Sa ibang lugar, may mas mataas na sahod, mas maraming oportunidad para sa career advancement at posibilidad na magkaroon ng mas magandang kabuhayan para sa sarili at pamilya.

Bawat nurse na umaalis ay may puwestong iniiwan sa isang ospital o health facility sa Pilipinas. Kapag marami ang umaalis at hindi sapat ang naipapalit sa kanila, maaaring madagdagan ang trabaho at pressure sa mga nurse na nananatili. Apektado rin ang mga pasyenteng nangangaila-ngan ng serbisyong pangkalusugan.

Nakatutulong sana ang patuloy na pagdami ng mga nagtatapos sa nursing upang mapunan ang mga puwestong iniiwan ng mga umaalis. Ngunit may isa pang problema.

Marami sa mga nursing graduate ang nag-iisip na agad tungkol sa pagtatrabaho sa ibang bansa. May mga nurse na hindi pa man gaanong nakakakuha ng karanasan sa Pilipinas ay naghahanda na para sa kanilang overseas career. At may mga estudyante pa lamang sa kolehiyo ay na pinag-iisipan na kung saang bansa sila maaaring magtrabaho pagkatapos ng graduation.

Sa loob ng maraming taon, hindi mabilang ang mga balita at kuwento tungkol sa mga Pilipinong nurse na nagtatagumpay sa ibang bansa.

May mga umangat sa kanilang propesyon, humawak ng matataas na posisyon, nakatanggap ng mga parangal at naging bahagi ng mahahalagang institusyong pangkalusugan sa iba’t ibang panig ng mundo.

Ito ang isang mahirap na usapin. Kailangan ng Pilipinas ng maraming nurse ngunit kailangan din ng mga nurse ang trabaho at kabuhayang makapagbibigay sa kanila at sa kanilang pamilya ng seguridad.

Maaaring nadadagdagan tayo ng mga nurse mula sa mga nagtatapos sa mga nursing school taon-taon pero nababawasan pa rin dahil sa mga nangingibang-bansa. Saan lulugar ang Pilipinas?

* * * * * * * * * * *

Email- [email protected]

NURSE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with