DOLE ipinatupad ang kauna-unahang wage decrease
Naging mainit ang hearing ng House Committee on Appropriations matapos na harap-harapang komprontahin ni Kamanggagawa Partylist Rep. Eli San Fernando si Labor Secretary Francis Tolentino para sa kanilang 2027 budget.
Matigas ang pahayag ni San Fernando na “zero budget” dapat ang DOLE dahil wala itong silbi. May punto nga naman si San Fernando dahil walang ginawa si Tolentino nang maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) ang Pasig Regional Trial Court para sa petisyon ang R2 Builders at Readycon Trading and Construction Corporation para sa implementasyon ng P85 minimum wage increase na ibibigay sa dalawang tranche P60, ang dapat na ibigay noong Hulyo 25 habang sa Enero 20, 2027 dapat ang ikalawang tranche na P25. Kumbaga napigil. Nabutata. Nganga ang mga manggagawa.
Ayon sa kongresista, ito ang kauna-unahang wage decrease sa kasaysayan ng bansa. Nakakagigil at nakakapanginig ng laman. Aba’y ayon kay San Fernando, aabot sa halos P2 bilyon ang naagaw ng mga oligarko mula sa 1.1 million minimum wage earners dahil hindi tinindigan ng DOLE ang Wage Order na magbibigay sana ng taas-sahod simula pa ng Hulyo 25. ‘Yan ang legasiya ng DOLE ni Secretary Tolentino at ng Regional Wage Board nang mag-isyu ng Wage Order no. 28.
Para kay San Fernando, dapat na pinanindigan at ipinatupad ni Tolentino ang Wage Order no. 27 ng DOLE at hindi nagpatalo sa illegal injunction ng Pasig RTC Br. 152. Mas ginulo pa ng DOLE ang legal na laban sa pag-isyu ng Wage Order No. 28 na nagtatakda na lamang ng P60 wage increase sa NCR sa halip na P85 dagdag sahod. Bawas sahod nga!
Umani naman ng suporta si San Fernando mula sa kanyang kapwa mambabatas at mga manggagawa kabilang sina Rep. Raymond Mendoza (Deputy Speaker, TUCP), Rep. Perci Cendaña (Akbayan), Rep. Dadah Ismula (Akbayan), Rep. Sarah Elago (Gabriela), Rep. Robert Nazal (BH) at Rep. Antonio Tinio (ACT Teachers).
Malinaw na ang mensahe ng DOLE sa mga manggagawa’t ordinaryong Pilipino na sila ay pumapanig sa mga malalaking negosyante. Kung kaya’t, mas lalo dapat na palakasin ang mensaheng ‘ZERO BUDGET PARA SA MAKA-NEGOSYANTENG DOLE!’
- Latest



















