P62 milyong reward sa OVP informants bigong patunayan - COA auditor

MANILA, Philippines — Bigo umanong mapatunayan ng Office of the Vice President (OVP) ang ibinayad nitong P62 milyong reward sa matagumpay na intelligence o surveillance operations, gaya ng itinatakda ng Joint Circular No. 2015-01 dahil sa hindi umano ito nakapagsumite ng mga ebidensya.
Ito ang sinabi ni Commission on Audit (COA) auditor Roderick Wamil na muling humarap kahapon sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Wamil, nagbayad ang OVP ng P15 milyong rewards mula Pebrero 6 hanggang Marso 29; P12 milyon mula Abril 25 hanggang Hunyo 30; at P35 milyon mula Hulyo 14 hanggang Setyembre 30.
Sa ilalim ng JC 2015-01, maaari lamang magbayad ng rewards mula sa confidential funds kung natutugunan ang mga itinakdang kondisyon.
Ipinaliwanag ni Wamil na ang informer ay hindi dapat empleyado ng ahensya, ang pagbabayad ay dapat aprubahan ng pinuno ng ahensya, at ang reward ay dapat direktang may kaugnayan sa confidential operations ng ahensya.
Kinakailangan ding magsumite ang ahensya ng mga dokumentong magpapatunay na ang impormasyong ibinigay ng informer ay nagresulta sa matagumpay na information-gathering o surveillance activity.
Sinabi ni Wamil na hindi nagsumite ang OVP ng naturang ebidensya para sa unang dalawang quarter.
Para naman sa ikatlong quarter ng 2023, sinabi ni Wamil na iniulat ng OVP ang P35-milyong rewards ngunit hindi rin ito nagla?ip ng dokumentong magpapakita ng matagumpay na information-gathering o surveillance operation.
Gayunman, pinigilan ni Presiding Officer at Senator-Judge Francis Escudero si Wamil na tumestigo kaugnay ng third-quarter Audit Observation Memorandum dahil inilabas ito noong Agosto 2024, anim na buwan matapos umalis ang testigo sa COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office.
- Latest















