^

Police Metro

Motor taxi rider hinoldap, pinatay ng pasahero sa Cavite

Cristina Timbang - Pang-masa

MANILA, Philippines — Namatay noon din ang isang motorcycle taxi rider nang holdapin at barilin ng kanyang pasahero na nagpahatid mula Maynila hanggang Carmona, Cavite, kamakalawa.

Ang biktima na natagpuang wala nang buhay sa kalsada ay kinilalang si Ren Ren De Laviga, 35-anyos.

Naaresto naman ang suspek sa isinagawang entrapment operation ng mga otoridad sa Tondo, Manila at nakadetine sa Trece Martires Police Custodial Facility.

Sa imbestigasyon, ­unang inakala ng mga rumes­pondeng pulis na biktima ito ng hit-and-run accident.

Habang isinasagawa ang crime scene investigation, nakarekober ang mga pulis ng isang basyo ng bala at isang hindi pumutok na bala, na nagbunsod upang itu­ring ang insidente bilang isang kaso ng pamamaril at pagpatay.

Sa imbestigasyon ng Carmona Component City Police Station, lumitaw na noong Hulyo 9 ay nag-book ng biyahe ang suspek sa Maynila upang magpahatid sa Carmona.

Pinaniniwalaang doon isinagawa ang krimen bago tinangay ang motorsiklo ng biktima.

Mas lalo pang lumalim ang kaso nang matunton ng pulisya ang motorsiklo ni De Laviga sa Trece Martires City.

Ayon sa imbestigasyon na nasangkot din ang suspek sa isa pang insidente ng pamamaril sa naturang lungsod at doon iniwan ang motorsiklo ng biktima kapalit ng isa pang motorsiklo na inagaw rin nito.

Ikinuwento ng biyuda ng biktima na maayos pa silang nakapagpalitan ng mensahe bago bumiyahe ang kaniyang asawa patu­ngong Cavite.

Ngunit pagsapit ng ha­tinggabi, nakatanggap siya ng sunud-sunod na mensahe mula sa cellphone ng biktima na humihingi ng pera.

Nagkunwari umano ang suspek na si De Laviga ang kausap niya at sinabing nakasagi ito ng motorsiklo sa Naic, Cavite.

Nagduda ang ginang nang mapansing kakaiba ang mga larawang ipinadala at hindi tugma ang sinasabing lokasyon.

Kalaunan ay inamin umano ng suspek na nasa kaniyang poder ang biktima at humingi pa ng P5,000 kapalit ng umano’y ligtas na pagpapalaya rito.

Humingi rin siya ng pera sa kapatid ng biktima na nasa ibang bansa at halip na magpadala ng pera, agad na nakipag-ugnayan ang pamilya sa pulisya.

Nagsagawa ng operas­yon ang mga otoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa Tondo, Maynila.

Nasamsam mula sa suspek ang isang motorsiklo at isang kalibre .45 na baril na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Inihahanda na ng pulisya ang  pagsasampa ng patung-patong na kasong kinabibilangan ng robbery with homicide at iba pang kaugnay na paglabag.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung may iba pang krimeng kinasasangkutan ang suspek sa loob ng lalawigan ng Cavite.

KRIMEN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with