Basura nina Dy, Sandro
Galing sa pinaka-matabang political dynasty si Speaker Bodjie Dy. Labinlimang kapamilya niya ay kongresista, vice governor, provincial board member, mayor, vice mayor, at konsehal sa Isabela. May presidential appointees pa sa Ehekutibo.
Mula sa pinaka-makapangyarihang dynasty si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos. Apo siya ni diktador Ferdinand Marcos Sr., at anak ni President Bongbong Marcos. Tita niya si Senator Imee Marcos, tito’t tita sina Reps. Martin Romualdez at Yedda Kittilstvedt-Romualdez, at pinsang buo sina Tingog partylist Rep. Andrew Romualdez at Ilocos Norte Vice Governor Matthew Marcos Manotoc.
Halos P200 bilyon pa ang hinahabol ng gobyerno na nakaw na yaman nina Marcos Sr. at Imelda Romualdez Marcos. May utang sa BIR ang pamilya Marcos na P205-bilyong estate taxes.
Natural basura ang panukala nina Dy at Sandro na Anti-Political Dynasty Bill. Imbes na alisin ang mga dinastiya para maging ganap na demokratiko ang gobyerno, lalo itong pinatatatag ng Dy-Sandro bill.
Diehards ang mga dinastiya. Maski labag sa Konstitusyon, hindi nila bibitawan ang kapangyarihan ng pamilya nila.
Kunwari ay nilimitahan ng Dy-Sandro bill sa isang miyembro lang ng dinastiya ang maaring mahalal sa pambansang puwesto. Pero ang binawal lang ay ang magkapatid o mag-ama, mag-ina bilang presidente, VP, at senador.
Maski mag-asawa, ama/ina, anak, magkapatid ay maari sa House of Reps. Kasi raw magkaibang distrito naman ang pinanggagalingan.
In-exempt pa sa Anti-Dynasty Bill ang partylist representatives. Kesyo raw mga rehiyon o sektor ang kinakatawan nito.
Iisang kamag-anak lang ang maari umupo sa Kapitolyo bilang governor, VG, at miyembro ng provincial board. Pero maari mag-mayor o VM o city/municipal councilor ang iba pang kapamilya.
Halos pareho lang nu’ng panahong walang Anti-Dynasty Bill.
- Latest




















